ISLAM AT PAG-AASAWA NG MAGKAKAIBANG PANANAMPALATAYA
Mga Pangkasalukuyang Isyu sa Daigdig ng Islam
ISLAM AT PAG-AASAWA NG MAGKAKAIBANG PANANAMPALATAYA
Paunang salita
Ang seryeng Pangkasalukuyang Isyu sa Daigdig ng Islam ay isinilang sa panahon ng kaguluhan at pagkabalisa, kasama pa ang muling pagbangon ng Islam noong dekada 70 na nagbubunga ngayon ng karahasan dulot ng Al-Qaeda at Jemaah Islamiya (JI). Mistulang nakatagpo ng balidong pagpapahayag ang marubdob na pananampalataya sa pamamagitan ng mga suicide bombing at kaguluhan ng madla o mob violence, at marahil, ang pinakatanyag na imahen ng Islam sa mundo ngayon, ang mga galit na demonstrador na may mga plakard na sumisigaw ng panawagan ng lalo pang pagdanak ng dugo na nakita natin matapos ang pagkakalathala ng mga cartoon ni Propeta Muhammad sa Denmark, at ng kaguluhan noong pangaral sa Pananampalataya at Katwiran ni Pope Benedict XVI sa University of Regensburg.
Sa Malaysia at Indonesia, ang mga puwersa ng konserbatibong pananampalataya o religious conservatism ay nagtangka, na may iba’t ibang lebel ng tagumpay, na isali ang pagkontrol ng estado sa kanilang mga Islamist agenda. Noong 2005, ang Indonesian Council of Ulama (MUI) ay nag-isyu ng fatwa (religious edict o kautusan) na nagdedeklarang heretikal na paniniwala o heretical ideologies at walang puwang sa Islam ang pluralismo, sekularismo at liberalismo. Sa Malaysia, sinalubong ng malawakang rali at pananakot ng mga Islamist na tumututol sa interfaith at intercultural na diyalogo ang mga pampublikong porum na inorganisa ng Article 11 Coalition noong 2006 na may layuning palaganapin ang kamulatan para sa Federal Constitution at ang mga proteksiyon at pananagutan sa ilalim nito bilang pinakamakapangyarihang batas ng bansa. Ang mga pampublikong porum na ito na tumatalakay sa kalayaan sa pananamapalataya o freedom of religion ay naglalaman, ayon sa pananaw ng mga Islamist,ng banta para sa Islam at sa mga Muslim. Sa halip na proteksiyunan mula sa banta ng karahasan ang mga nag-organisa ng mga porum ng Article 11, ipinag-utos ng gobyerno ang pagpapatigil sa mga porum kaya nagsilbing tagumpay ito sa puwersa ng Islamism sa kanilang kampanya laban sa kalayaan sa pagpapahayag at sa kapangyarihan ng batas o rule of law. Ipinamahagi ang larawan na nagsasabing taksil at dapat mamatay ang human rights lawyer at pangunahing kasapi ng Article 11 Coalition na si Malik Imtiaz Sarwar. Hindi yata’t may mga Muslim sa Malaysia na naniniwalang gawaing moral ang panawagan sa kamatayan.
Habang inilalathala ang mga babasahing ito sa orihinal na bersiyon, napag-alaman ng mga Malaysian na mayroong 18 aklat ang ipinagbawal ng Internal Security Ministry para sa diumano’y interes ng ‘public order’ o kaayusan. Kasama sa listahan ng mga ipinagbabawal na aklat ang What Everyone Needs to Know About Islam ni John Esposito, at The Battle for God: Fundamentalism in Judaism, Christianity and Islam ni Karen Armstrong. Ang pagbabawal sa mga aklat na ito ay lalo lamang nagpalaganap sa imahen ng Islam bilang isang intolerant o sarado at mapaniil na relihiyon.
Ang paglalathala ng seryeng ito ay isang pagtatangkang itanghal ang ‘nalinawan’ o enlightened na aspekto ng Islam kasama na, gaano man kaliit, ang dimensiyon nitong humanitarian . Kinikilala din na hindi dapat isisi sa relihiyon ang mga kaguluhang nagaganap dahil sa ngalan nito. Para sa mga mangmang at may saradong pagiisip, isang madaling kasangkapan lamang ang relihiyon para isulong ang isang layunin. Sa likod ng mga pagkamuhi at karahasan na naipapahayag sa mga retorikang pangrelihiyon ay makikita ang mga sosyal, politikal at pang-ekonomiyang kadahilanan ng mga kaguuhan.
Habang kailangang ituloy ang mga diyalogo at kooperasyon sa pagitan ng mga mauunlad at mahihirap na bansa upang hindi magdulot ng lalong tensyon at kaguluhan, kailangan ding balikan, unawain at suriin ang mga sariling tradisyon at pagtataya, lalo na sa kasalukuyang panahon, sa usapin ng pananampalatayang panrelihiyon. Ang internal na pagsisiyasat na ito ang nais pasukin ng serye ng babasahing ito.
Gayunman, hindi ninanais ng seryeng ito na magbigay ng ganap na solusyon na lulutas sa mga usaping itinatanghal nito . Ang isa sa mga saligan ng seryeng ito ay ang paghikayat at pagrespeto sa iba’t ibang kaisipan, at anumang pananaw sa mga isyu ay isa lamang na kontribusyon sa masalimuot subalit lubhang mahalagang gawain ng pag-unawa sa buhay, sa mundo, lalo’t higit sa Diyos. Inaasahan na ang mga talakayan tungkol sa kalayaan, demokrasya, karapatang pantao, at iba pang usapin na may kinalaman sa mga Muslim sa kasalukuyan gaya ng pagpapatubo ng bangko at pag-aasawa ng magkakaibang pananampalataya o interfaith marriage, ay magdudulot ng mas malalim na pag-unawa sa maraming Islamic na pagtanaw sa maraming katanungan. Ang mga usaping ito ay ipinaliliwanag mula sa isang perspektibong pangrelihiyon, datapwa’t hindi dapat ipagpalagay na ito lamang ang nag-iisang pananaw sa Islam. Ang mga pananalita gaya ng ‘ayon sa Islam’ na ginamit sa babasahing ito ay hindi nangangahulugang ito ang pinakamapapaniwalaan at panghuling pasya; walang iisang ‘Islam’ kung kaya walang iisang interpretasyon sa doktrinang Islamic. Kung sa pagbasa’y madaanan ang salitang ‘ayon sa Quran’, na madalas na ginamit sa babasahing ito dahil sa kakapusan ng espasyo, dapat unawain ito bilang ‘ayon sa interpretasyon sa Quran ng manunulat’. Inaasahang maiintindihan ng mambabasa na interpretasyon ng mga may-akda ang mga pananaw sa mga babasahing ito, katulad ng pananaw saan man tungkol sa Islam.
Ang pagtatangkang usisain ang mga usaping ukol sa mundo ng Islam sa pamamagitan ng maiikling babasahin ay katunayan lamang na ang pagbabasa at pagaaral ay hindi dapat magtapos dito. Dapat ituloy ang pagsasaliksik matapos ang maiikling eksplorasyong ito. Upang lalong maintindihan ng mambabasa ang pluralismo at ang kahalagahan ng dignidad ng tao sa Islam, dapat basahin sina Rumi, Ibn Arabi, Frithjof Schoun, John Hick, at Nurcholis Madjid.
Nagbigay ng inspirasyon sa paglalathala ng serye ng babasahing ito ang mga seryeng Isu-isu Kontemporer dalam Perspektif Al-Quran dan Hadis na inilathala ng Centre for Language and Culture sa Syarif Hidayatullah State Islamic University sa Jakarta at ng Konrad Adenauer Foundation sa Indonesia. Pinanatili ng kasalukuyang serye ang sampu hanggang pitumpong porsiyento ng nilalaman mula sa publikasyon, kung kaya hindi na kinakatawan nito ang pananaw ng mga awtor ng Indonesian edition.
Para sa kapakinabangan ng mga mambabasa, mahalagang banggitin na sina Abdullah Yusuf Ali at A.J. Arberry ang nagsagawa ng malaking bahagi ng pagsasalin ng Qur’anic verses na nakasulat sa babasahing ito.
Maraming tao ang nagtulong-tulong upang malathala ang babasahing ito. Sa inyong lahat, at sa Konrad Adenauer Foundation sa Malaysia, na kung wala ang kanilang suporta, hindi magkakaroon ng kaliwanagan ang proyekto, dapat kayong bigyan ng taos-pusong pasasalamat.
Al-Mustaqeem Mahmod Radhi
Executive Director
Middle-Eastern Graduate Centre